Ang Yosi at Ang Linyang, Putangina
Amoy yosi sa paligid ko. Iyon ang gabi na napagkasunduan naming mag kakaibigan na mag kape dahil mga adik kami sa lasa at epekto ng caffeine. Marahil dala narin ng dalawang linggo na puro puyat at halos tig-dadalawang oras na tulog lang ang nakukuha namin sa dami ng aming ginagawa. Dahil ang isa sa amin ay may isa pang kinaaadikan sa labas na lamang kami pumwesto upang mapagbigyan ang tawag ng kanyang baga sa usok ng yosi. Sa totoo lang ayoko ng yosi.
Naalala ko pa nung una akong tinubuan ng utak at kamalayan. Ang unang tao na nakita ko na may hawak non ay ang aking lolo na mahilig umupo sa may labas ng tindahan nila ni lola. Payat ang lolo ko ngunit sintibay ng tatay ko ang kanyang pangangatawan pagdating sa pagbubuhat ng case ng coke o ng beer para dalhin sa kanilang tindahan mula sa aming bakuran na kadikit lamang ng kinatatayuan ng bahay nila.
Bilib na bilib ako sa lolo ko sa bawat buhat niya ng case mga bote na habang ginagawa niya iyon walang bakas ng pagkahirap sa pagbuhat habang may nakasuksok na yosi sa kanyang bibig. Kayang-kaya niyang humithit ng hindi na kailangan hawakan ang sigarilyo habang binubuhat ang mga case ng coke ng paulit-ulit.
Kahit tinitingala ko ang lolo ko sa kakisigan at sa pagtsatsaga sa pag puputak ng lola ko na kesyo nilalason daw siya ng lolo ko o kaya nama’y nambababae siya, hindi ko matagalan ang kanyang pag yoyosi minsan hinihiling ko pa na patayin niya ang kanyang sigarilyo pag kasama niya ako dahil madalas sumasakit ang ulo ko pag nakakalanghap ng usok mula dito.
Noong una nakakaiwas pa ako pag ayaw kong makasinghot ng kahit katiting na amoy mula sa kapirangot na instrumento ni kamatayan. Ngunit noong dumating ako sa ika anim na taon sa mababang paaralan. Ang lolo ko na ang naghahatid at nagsusundo sa akin sa eskwelahan. Simula noon, umaga pa lang amoy yosi na ang uniporme ko.
Asar na asar ako noon sapagkat matindi kumapit ang amoy ng yosi sa mahaba kong buhok pati narin sa suot kong damit. Dagdagan pa ng pagmumura niya sa mga drayber na hindi sumusunod sa patakaran pati ang pagiging kaskasero niya sa paghabol sa mga ito. Kapag nahabol ka ng lolo ko na nagiinit ang ulo eto ang maririnig mo: “PUTANGINA itigil mo ang sasakyan mo!!”. Kapag hindi tumigil ang drayber gigitgitin niya ito hangang maunahan. Oras na maunahan ni lolo ang drayber haharangan niya ang daan sabay bababa sa kanyang makulay na owner-type jeep na nilagyan pa niya noon ng black and white na t.v.
Sa pagmumura niya at kasisigaw niya talaga namang sinusubsob ko ang maliit kong mukha sa kurtina na nagsisilbing pintuan ng kanyang sasakyan. Minsan sisilip ako sa likod kung ano na ang nangyayari pero pag may dumaan, bigla na lang akong nagtutulug-tulugan na parang wala akong ka muwangmuwag sa mga nangyayari sa aking paligid.
Matapos ang matinding panunugod sa drayber, magsisimula na siyang magsindi ng panibagong yosi habang nagpuputak kung gaano ka grabe ang mga drayber ngayong panahon na ito.
Lagi akong late magising noon dahil laging napapasarap ang tulog ko. Kaya nga lunes na lunes pa lang meron na siyang pabaon na “putangina!” sa kanyang pinakamamahal na apo. Tuloy tuloy na iyan na putak hanging may makaaway siyang drayber. Pagkatapos niyang sugurin tuloy parin ang kanyang pagbuga ng usok sa mukha ko kasabay ng hindi maintindihan na pagsisigaw at reklamo sa drayber dahil sa nakasuksok na yosi sa kanyang bibig.
Sa tindi ng kanyang pagyoyosi madalas nakakatulog ako sa tindi ng sakit ng ulo. Magigising na lang ako habang na ka park ang kanyang sasakyan sa may palengke at nakabukas ang t.v sa channel 2 na noong oras na iyon ng hapon ay puro cartoons ang palabas. Sabay makikita ko siyang may dalang isang plastik na flat tops na madalas ay wala pang limang minuto, naubos ko na.
Tandang tanda ko pa ng umalis ang lolo at lola ko sa aming compound noon para tumira sa Cavite. Bawal na raw kasi sa kampo na tumitira doon ang mga manininda sa kanilang store. Mabuti na lamang at mayroon silang bahay sa cavite kung saan lumaki ang nanay ko.
Simula noong 3rd year high school ako tuwing January 1 ko na lang sila nakikita. Iyon kasi ang napagkasunduan ng mga tito at tita ko na reunion ng buong Cadua family. Madalas kahit ndi mayayaman ang mga kamag-anak namin sa Cadua mas marami akong nakukuha na pamasko doon kesa sa mga dati naming nahihingan ng pamasko ang isa pa sa mga malakas magbigay noon ng pamasko ay ang lolo at lola ko na hindi parin nawawala ang putakan kahit minsan na lang kami makadalaw. Kahit magiilang taon na rin silang naninirahan noon sa Cavite talaga namang nakukuha parin ng lolo ko na magbuhat buhat ng mga kung ano ano na sa isang matanda ay hindi nakakapanipaniwala. Nagyo-yosi parin si lolo habang nagbubuhat ngunit ngayon nakikita ko na siyang walang nakapasak na yosi sa bibig niya.
Nasa kolehiyo na ako ng nagsimula na si lolong tumigil magyosi. Nung panahon naman na iyon lahat halos ng mga kabarkada ko e nagsimula ng mag-yosi sadyang parang sinasadya ng pagkakataon na patayin ako sa 2nd hand smoking. Kung ano ang kinawalan ko ng tiyaga sa pagtotolerate noon sa lolo ko napahaba naman ng mga kaibigan ko ang pisi ko pag dating sa pag-kaya sa pag-langhap dito.
Sa mga bisita namin may ilang beses ko rin naman siya nakitang mag-yosi pero nagyoyosi lang siya kapag umuubo dahil nga deteriorating na ang kanyang baga. Fourteen years old pa siya nagsimula mag-yosi at nung mga panahon na iyon nasa 78 years old na siya.
Dahil nga medyo may edad narin ako nakukuha ko na sila ng lola ko na biru-biruin. Minsan na-uuto ko ang dalawang matanda na maghalikan sa harapan namin para mawala ang tensyon sa kanilang dalawa.
Laking gulat ko ng malaman ko na sa tindi ng away ng lolo at lola ko napukpok ng lola ko ng martilyo ang lolo ko sa tuhod. Nagimbal pa ako ng malaman ko na ang ulo niya ang pinupuntirya ng lola ko. Inaakusahan niya noon ang umuubong lolo ko na kumuha ng pera niya na nahanap naman sa kanyang aparador sabay bulong sa tito kong nakahanap na, “Wag mong sasabihin na nakita na ah.”. Tumakbo pa daw ang lolo ko noon sa tito ko na iika-ika para humingi ng tulong dahil nga galit na galit ang lola ko sa kanya. Dinalaw kaagad namin si lolo ng nanay ko na laking gulat namin na imbis sa bahay ng tita ko namin siya makita, ay sa bahay nila ni lola namin siya natagpuan. Talagang nakita ko kung gaano kamahal nang lolo ko ang lola ko na kahit halos patayin siya sa pukpok, nakuha parin niya na sa kanya umuwi.
Matapos ang ilang buwan bigla na naman kaming nagulat sa isa pang balita patungkol sa lolo ko. Hindi daw siya maka-ihi kaya kinakailangan na ma-operahan siya ora mismo. Nagkaproblema daw kasi siya sa prostrate. Mabuti na lamang at naagapan, medyo na lungkot pa nga ako noon sapagkat kinailangan naming i-celebrate ang birthday niya sa ospital dahil nga sa kanyang kalagayan. Na ibsan naman ang aming kalungkutan ng mabalitaan namin na nasa mabuti na siyang kalagayan. Bumagsak ang payat na katawan ng lolo ko dahil sa pangyayaring iyon. Medyo naging mabagal na ang kanyang pag lalakad at naging mahina na ang kanyang pangangatawan. Naisip ko na marahil dahil lang iyon sa kanyang sakit. Sa totoo lang, dahil nga sa lakas ng kanyang katawan ang madalas na naiisip ko na mauuna sa dalawang matanda ay ang lola ko.
Sa mga huling bisita ko sa bahay nila ni lola pati narin sa hospital, hindi na ako nangamoy yosi. Mas nag-aamoy yosi pa nga ako pag kasama ko ang mga barkada ko na kahit nabubugahan na nila ako ng usok sa mukha tuloy parin ako sa pagtawa sabay higop sa kape na nilagyan ng yelo.
Akala ko matagal pa ang aantayin ko bago ko sila bisitahing muli dahil nakaka-dalawa o tatlong buwan pa lang si lolo na nakakalabas ng hospital. Laking gulat ko na lamang na noong umaga matapos kaming mag-kape ng barkada ko sa timog nakatangap ako ng balita na nasa ospital daw ulit si lolo dahil nahihirapan siyang huminga dahil may nagbabarang plema sa baga niya dahil 61 years na siyang nagyoyosi. Emphysema daw ang naging sakit niya. Ako naman si automatic na dasal na sana gumaling na siya kaagad pero buong buo ang loob ko na lilipas din ito.
Matapos ang ilang oras tinawagan ko ang nanay ko para humigi ng kompirmasyon na pinayagan kami ng ospital ng AFP na manghiram ng wheel chair na gagamitin naming dolly para sa unang araw ng pag-shoot ng aming maikling pelikula na pinamagatang, “Ang Embalsamador”. Napakanormal ng boses ng nanay ko habang kausap ko siya na parang hindi siya nagaalala sa lolo ko na kasalukuyang asa ospital sa Cavite. Nang kamustahin ko ang lolo ko, sinabi niya na okay naman ang lahat sabay hirit, “Sa totoo lang patay na ang lolo mo, ituloy mo lang yang ginagawa mo okay? Pagbutihin mo iyan, ialay mo iyan sa lolo mo.”. Wala na akong masabi noon kung hindi, “Opo ma.” sabay baba ng telepono.
Kasama ko pa naman noon ang kaibigan ko na kasalukuyang natutulog sa lamesang aming tinatambayan sa paresan bago simulan ang shoot. Iyak ako ng iyak noon. Hindi ko na pinansin ang mga nagtitinginang tao sa paligid ng paresan. Ang kaibigan ko naman noon ay naghihilik parin. Wala siyang kamalay-malay na namumutok na ang mata ng kanyang katabi. Nung mahimasmasan na ako nagising nadin ang kakatabi ko. Nagsimula siyang magsindi ng yosi ngunit sa pagkakataon na iyon hindi ko na natagalan ang amoy ng sigarilyo. Kinailangan ko ng umiwas sa amoy na iyon. Kahit manlang sa araw na iyon upang ako’y makapagtrabaho.
Mag dadalawang linggo na ng mamatay si lolo. Kung noong una ay iwas ako sa usok ng yosi ngayon, unti-unti na akong napapalapit sa mumunting instrumento ni kamatayan. Minsan kumuha ako ng isang stik ng sigarilyo sa aking kaibigan na nagkataong menthol pa. Pinasindihan ko iyon at nagpaturo ako mag yosi. Bawat hithit ko naiisip ko ang sama ng loob ko sa sigarilyong iyon at kung paano niya inunti-unti ang lolo ko. Nakakatawa ngunit kakaiba ang gusto kong mangyari pagkatapos ng insidenteng iyon. Imbis iwasan ko sila parang gusto kong magyosi para maubos ko sila. Para narin siguro pag namatay ako siguradong kasabay ko ang barkada kong lulung sa yosi. At sa langit, sabay na kami ng lolo kong mag mumura ng, ”putangina” na hindi maintindihan dahil may nakapasak na sigarilyo sa bibig namin.